Wednesday, June 20, 2012

ISKOLAR NG BAYAN BUHAY


        

          Ang mga pagsusulit ay malaking bahagi sa buhay ng bawat mag-aaral. Sinusukat nito ang kaalaman at mga natutunan nila sa paaralan. Gayunman, hindi lamang ang mga estudyante ang nakakaranas ng mga pagsusulit. Sa tingin ko, ang buhay ay serye ng mga pagsusulit, malaki man o maliit.

          Mula pagkabata, pinangarap kong mag-aral sa Ateneo. Sa politika, panitikan, isports, at iba pang mga larangan, ang mga Atenista ang karaniwang nangunguna. Subalit nang harapin ko ang desisyon ukol sa papasukan kong unibersidad, naglaban ang kagustuhan ko para sa aking sarili at ang kagustuhan ng iba para sa akin. Pagkatapos ng aking pagninilay-nilay, pinili kong mag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas Maynila upang maging isang dentista. Masasabi ko na ang mga pinagdaanan ko bilang mag-aaral sa isang publikong pamantasan ay nagsilbing malaking pagsusubok para sa akin. Bagaman, marami rin akong mahahalagang aral na napulot sa aking karanasan doon.

Ito ang ilan sa mga natutunan ko bilang isang Iskolar ng Bayan:

1.     Pahalagahan ang maliliit na mga biyaya
          Sikat ang UP sa pagiging isa sa pinakaprestihiyosong unibersidad sa bansa. Subalit, makikita rin sa mga kampus nito ang gula-gulanit na imprastraktura at kulang-kulang na kagamitan. Bilang estudyante doon, naranasan ko ang kahirapan na mag-aral sa masikip na silid-aralan na watak-watak ang kisame at pundido ang ilaw. Naranasan kong mag-klase sa labas ng gusali dahil sa kakulangan ng silid-aralan. Naranasan kong pumasok sa mga klase kung saan dinidikta lamang ng guro ang leksyon dahil walang yeso o kompyuter. Naranasan kong dumayo sa malayong aklatan dahil kakaunti ang mga libro sa aklatan ng unibersidad. Nang ako’y nasa mataas na paaralan, hindi ko man lang nilaanan ng pansin ang mga bagay na ito. Samakatwid, natutunan kong pahalagahan ang mga biyayang ipinagkaloob sa akin.

2.     Makisama
          “Conyo” at “maarte” ang pagbinyag ng mga kaklase ko sa akin nang una kaming nagkakilala. “Mapanghusga” at “jologs” naman ang tingin ko sa kanila. Dahil dito, nahirapan akong makitungo sa mga kaklase ko at pinili kong dumikit na lamang sa aking mga kaibigan. Subalit nang mas nakilala ko ang bawat isa sa kanila, natutunan kong huwag masyadong magpaimpluensya sa unang impresyon ko ng mga tao. Natutunan kong makisama at makipagkaibigan kahit sa mga taong ibang-iba sa akin.

3.     Normal ang madalas na pagbaha at pagrally
          Ang kampus ng UP Manila ay matatagpuan sa kanto ng Taft Avenue at Padre Faura. Sa dami ng bagyo noong nagdaang taon, nasaksihan ko ang madalas na pagbaha. Naranasan ko ang pagkansela ng klase at paghintay ng matagal upang tumila ang ulan at makauwi. Totoo pala ang laging nababanggit sa balita na ang baha ay umaabot hanggang baywang o lampas tao pa. Ngunit normal lang daw ito para sa mga taong nakatira, nag-aaral, o nagtratrabaho sa mga lugar na bahain tulad ng Taft Avenue.

          Bukod pa rito, katabi ng UP Manila ang Korte Suprema at DOJ kung saan halos araw-araw ay may natatagpuan akong nagrarally. Naranasan ko rin ang madalas na pag-“walk out” sa klase at ang pag-uudyok ng mga kamag-aral ko na sumali sa mga protesta laban sa gobyerno. Tama nga pala ang tatak na “aktibista” na binigay sa mga taga-UP. Sa gayon, nasaksihan ko ang iba’t ibang mga isyung panlipunan at natutunan ko ang kabanatan o “resiliency.”

4.     Gumamit ng mga salitang “po” at “opo” 
          Lumaki ako ng hindi sanay na gumamit ng mga salitang “po” at “opo,” maliban kapag kausap ang mga guro ko sa Filipino. Madalas kasi akong nakikipag-usap sa mga nakakatanda sa akin sa wikang Ingles. Subalit nang mag-aral ako sa UP, natutunan ko na ang hindi paggamit ng mga salitang ito ay isang anyo ng kabastusan. Datapwat, ngayon, sinisigurado ko na hindi ko nakakalimutang mag-“po” at “opo” sa kahit sinong nakakatanda sa akin.

5.     Tumawid ng kalsada
          Nang ako’y nag-aaral pa sa Maynila, ilang beses na akong halos masagasaan ng nagraragasang mga jeepney at tricycle. Sa totoo lang, bago ako mag-kolehiyo, hindi ako nakakatawid ng kalsada nang mag-isa at nang hindi napapasigaw. Ngunit, ngayon, kabisado ko na ang mga dapat at hindi dapat gawin habang naglalakad sa mga kalye ng Maynila. Mababaw nga, pero ito ang pinakapinagmamayabang kong natutunan sa UP!

6.    Magsarili sa pag-aaral
           “Ang mga propesor sa UP ay tamad at hindi halos nagtuturo o pumapasok.” Ito ang madalas sabihin ng mga nakakatandang estudyante sa unibersidad. Naranasan ko na ang makakuha ng isang propesor na pumapasok at nagtuturo lang kapag malapit na siyang magbigay ng eksaminasyon. Dahil dito, natutunan kong magsarili sa pag-aaral at huwag masyado umasa sa mga guro.

7.    Sundin ang pangarap at huwag magpaimpluensya sa opinion ng iba
          “Mas magtatagumpay ka bilang isang dentista.” Ito ay isa lamang sa madalas kong naririnig nang ako’y pumipili ng unibersidad na papasukan. Dahil masyado kong binigyang pansin ang opinyon ng ibang tao, nakalimutan ko ang dati ko pang plinano para sa aking sarili.
          Subalit marami akong natutunan sa UP, hindi ko parin natamo ang tunay na kaligayahan. Hindi ako nakuntento sa aking naging desisyon. Nanaig pa rin ang matagal ko nang pinangarap- maging isang Atenista. Naramdaman ko na bilang isang Iskolar ng Bayan, nalimitahan ako sa pagtamo ng kahusayang pang-akademya lamang. Hindi ako nabigyan ng oportunidad na umunlad bilang isang tao para sa Diyos at bilang isang tao para sa iba. Datapwat, natutunan ko na minsa’y tayo ang tunay na may alam kung ano ang makakabuti para sa atin. Natutunan kong sundin ang aking mga pangarap kahit tinututulan ito ng mga tao sa paligid ko.

          Hindi ko pinagsisisihan ang aking pagpasok sa UP. Dahil sa mga pagsusubok na pinagdaanan ko doon, marami akong mahalagang bagay na natutunan. Masasabi ko na dahil ako’y pansamantalang naging isang Iskolar ng Bayan, ako ngayo’y “Iskolar ng Buhay” na handang pumulot ng aral sa bawat pagsusulit na pagdaraanan ko sa buhay.  

          Sa wakas, natutunan ko rin na kahit bumagsak tayo sa mga pagsusulit ng buhay, mayroon at mayroon din tayong makukuhang mahahalagang aral.