Wednesday, August 29, 2012

"I SHOULD HAVE BEEN INFORMED."

Paumanhin sa malimit na pagmumura sa video.         
        Sa aking paglipat sa Ateneo, sinalubong ako ng pakiramdam na ako’y kapos sa katalinuhan at mga kasanayan. Sinalubong ako ng mga pagsusulit kung saan nakakuha ako ng markang C/D. Sinalubong ako ng mga gabi kung saan pinili kong mag-aral kaysa matulog. Sinalubong ako ng realidad na minsan ang pagsusumikap ay hindi pa rin sapat. Sa totoo lang, hindi ako sanay sa pagkabigo at sa mga realidad na aking natuklasan. Sa mga unang linggo ko sa Ateneo, ramdam na ramdam ko ang pagkatalo. "Sanayan lang yan." "You win some, you lose some." Ito ang madalas na sabihin sa akin ng mga kamag-anak at kaibigan ko. Pero sino nga bang gustong masanay sa pagkabigo? Sinong gustong matalo? Sa loob ng huling ilang buwan, natutuhan kong tanggapin ang pagkabigo at ang katunayang maraming mag-aaral ang mas mahusay kaysa sa akin. Natutuhan kong maging mapakumbaba sa pagtanggap ng aking mga pagkakamali. Natutuhan kong gamitin ang aking pagkabigo bilang pag-uudyok na paghusayan ang aking pag-aaral sa kasalukuyan at sa hinaharap. Pakiramdam ko tuloy na ang aking buhay bilang isang mag-aaral ay isang malaking cliché.
        You are responsible for your own ignorance.” Ikaw daw mismo ang mananagot sa iyong pagiging mangmang.  Ito’y madalas kong marinig mula pa sa aking pagkabata. Lubos kong naintindihan ang diwa ng kasabihang ito dahil sa aking naging karanasan bilang isang Atenista. Natutuhan kong maging resilient at magsarili (lalo na sa pag-aaral) dahil natuklasan ko na hindi ako laging magiging "spoon-fed." Natutuhan ko na hindi lahat ng aking mga pangangailangan ay maipagkakaloob sa akin sa isang "silver platter." Natutuhan ko na responsabilidad kong makamit ang hindi maibibigay sa akin tulad ng kaalaman at impormasyon. ‘Ika nga ni Hitler sa pangalawang video“Walang nag-inform?! Anong silbi ng mata niya, palamuti?!” 
        Sa Twitter, Facebook, at iba pang social networking websites, laganap ang internet hate at cyber-bullying. Ang madalas na nagiging biktima ng mga ito ay ang mga itinuturing ng lipunan na “mangmang” o “walang alam.” Sa kaso ni Christopher Lao, ang isa niyang pagkakamali (na ilusong ang kaniyang kotse sa baha) ay pinagpiyestahan ng mga gumagamit ng nasabing social networking websites.
        Gumugol ng oras ang lumikha ng Facebook page na ito at ng pangalawang video sa itaas upang pagtawanan lang at laitin si Christopher Lao. Marami pang Facebook pages, tweets, YouTube videos, at blogs tulad nito ang nagpapalaganap ng internet hate at cyber-bullying.  
       
        Sa aking palagay, tayo nga mismo ang responsable sa ating kawalang alam. Sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng media, madaling makakuha ng impormasyon at magkaroon ng kamalayan ukol sa maraming paksa. Dahil dito, wala nang dahilan na maging “mangmang,” lalo na’t may mga uri ng media na accessible na rin sa lahat ng tao. Bagaman, sa kabila nito, ang pagkamit ng impormasyon at kamalayan ay hindi gumagarantiya na tayo’y hindi na magkakamali. Kahit si Christopher Lao na nagtapos ng summa cum laude sa Unibersidad ng Pilipinas ay nagkamali rin.
        Lahat tayo, para sa akin, ay mga Christopher Lao ng lipunan. Tayo’y nagkakamali at tayo’y maaaring maging biktima ng internet hate at cyber-bullying. Dapat lang nating tandaan na tayo ang responsable sa ating kawalang alam. Huwag nating sisihin ang ibang tao at sabihin na “I was not informed” tulad ni Christopher Lao. Bukod pa rito, huwag tayong makilahok sa internet hate at cyber-bullying. 'Ika nga ng isang guro ko sa Ateneo, nabubuhay tayo sa isang lipunan kung saan madaling magbitaw ng mga salitang hindi na natin mababawi, lalo na sa social networking websites. Kapag tayo’y makisali sa mahalay na gawaing ito, lalo pa natin itong napapalaganap.  
        Sa mga nakikilahok sa internet hate at cyber-bullying, I was not informed” na bawal na pa lang magkamali. “I should have been informed!” 

Thursday, July 5, 2012

MAY PASOK BA?!?


     Tuwing tag-ulan, hindi maiiwasan sa kabataan ang usaping pagsuspinde ng klase, lalo na't kapag may bagyong paparating. Kakaunting patak pa lamang ng ulan, nagkakagulo na ang mga mag-aaral. Kaagad nilang sinisikap na malaman ang sagot sa tanong na "MAY PASOK BA?" 

     Mula Hunyo hanggang Oktubre, ang tanong na “May pasok ba?” ay madalas na marinig sa loob at labas ng mga paaralan sa Pilipinas. Ito ang laman ng mga text messages na ipinapadala ng mga mag-aaral sa isa't isa. Ito rin ay malimit na makita sa mga social networking websites tulad ng Facebook at Twitter. Ang mahiwagang tanong na ito ay ginagawang status ng mga mag-aaral sa kanilang mga Facebook accounts, habang ang iba nama'y tini-tweet na lamang ito sa Twitter.  Dahil sa walang humpay na pagtanong kung may pasok o wala, maraming napauso ang kabataan ukol dito sa Internet

Ito ang ilan sa kanila: 

1. www.maypasokba.com
     -May isang website para lamang sagutin ang tanong na "May pasok ba?"


     Bawat araw, inilalahad ng website na ito kung may pasok o wala. Upang makakuha ng impormasyon ukol sa suspensyon ng klase nang mabilisan, bisitahin mo lang ang www.maypasokba.com

2. "May pasok ba?" Facebook pages
     -Maraming Facebook pages ang itinalaga para lamang sa nasabing tanong.


     Napakaraming gumagamit ng Facebook ang nakaaalam sa mga pages na ito. Mahigit sa 68,000 tao pa nga ang nag-like sa isa sa mga pages na nabanggit. 


     Ang lalo pang nakagugulat ay ang Ateneo ang nag-iisang unibersidad na may sariling "May pasok ba?" Facebook page. Halos 3000 mag-aaral ng unibersidad ang nag-like sa nasabing page

3. "May pasok ba?" tweets 
    -Sunod-sunod ang pag-tweet ng mga mag-aaral tuwing umuulan upang malaman kung may pasok o wala. Minsan, ang mga salitang kaugnay ng suspensyon ng klase ay nagiging Trending Topic.


     Tulad ng huling tweet sa larawan, nauso rin sa kabataan ang tanong na "Waterproof ba ang mga college students?" Ito'y madalas na i-tweet ng mga mag-aaral mula sa iba't ibang unibersidad at kolehiyo dahil sa madalang na pag-anunsyo ng suspensyon ng klase para sa tertiary level

4. Twitter accounts ng mga opisina ng gobyerno 
    -Dahil madalas nga ang pagtatanong ng mga mag-aaral ukol sa suspensyon ng klase sa Twitter, ang iba't ibang opisina ng gobyerno ay lumikha na ng mga Twitter accounts upang mas mapabilis ang pagtatalastas ng impormasyon. 


     Ang Twitter account ng PAGASA ay ang may pinakamaraming followers sa mga accounts ng mga kagawaran ng gobyerno. Ipinapahayag dito ang lagay ng panahon at ang suspensyon na rin ng klase sa iba't ibang antas. 

5. Twitter accounts ng mga unibersidad 
    -Tulad ng mga opisina ng gobyerno, ang karamihan ng mga unibersidad sa Maynila ay gumawa na rin ng mga Twitter accounts upang mapadali ang pakikipagtalastasan nila sa mga mag-aaral. 





     Sa aking palagay, ang bilang 4 at 5 ay ang pinakanapakikinabangang napauso ng tanong na "May pasok ba?" Dahil kontrolado ng mga awtoridad ng gobyerno at ng mga unibersidad ang mga account na ito, siguradong wasto ang impormasyong naibabahagi sa mga followers nito. Bukod pa rito, ikinatutuwa ko ang pagsisikap ng mga nasabing institusyon upang mag-"reach out" sa kabataan sa pamamagitan ng iba't ibang uri ng teknolohiya. 

6. "Ang buhay ay weather weather lang" -Kuya Kim
     -Napadalas din sa kabataan ang panunuod ng balita para lamang masagot ang kanilang tanong na "May pasok ba?" Sa mga gabing maulan, karaniwang nakasubaybay na ang mga mag-aaral sa mga palabas tulad ng TV Patrol at 24 Oras.



     Dahil dito, lubhang sumikat ang mamamahayag na si Kim Atienza, na mas kilala sa pangalang "Kuya Kim." Kapag balita tungkol sa panahon ang nais na malaman, si Kuya Kim ang isa sa pinagkakatiwalaan ng marami. Bukod pa rito, nauso rin ang madalas na sinasabi ni Kuya Kim na "Ang buhay ay weather weather lang." 


     Dahil marami na nga sa kabataan ang nakakikilala kay Kuya Kim, siya ang madalas na tanungin kung may pasok o wala sa pamamagitan ng Twitter


     Sa aking palagay, ang tunay na napauso ng kabataan ay ang paggamit ng makabagong paraan tulad ng social networking websites upang maging mas mabisa ang paglalathala ng impormasyon (ukol sa suspensyon ng klase). Sa tingin mo, ang paggamit nga ba ng Internet bilang paraan ng pagtalastas ng impormasyon ay lubhang epektibo? O binubuksan ba nito sa kabataan ang pinto upang maikalat ang maling balita?


     Ako’y muntik nang maloko ng mga tweets tulad ng mga nasa larawan. Marami sa kabataan ngayon ang nanunukso’t nagpapaasa sa kanilang mga kapwa mag-aaral na nagnanais ng suspensyon ng klase. Dahil dito, kailangang maging labis na maingat ang kabataan sa pagbabasa ng mga tweets at iba pang posts na makikita sa Internet. Kailangan din nilang siyasatin kung mapagtitiwalaan ang pinagkukuhanan nila ng balita.

     Sa aking palagay, epektibo ang paggamit ng Internet bilang paraan ng pagtalastas ng impormasyon. Sa pamamagitan ng maingat at matalinong pagtatamo ng balita, maiiwasan ng kabataan ang mabiktima ng mga nakalilinlang na posts sa iba’t ibang social networking websites.


Pinagkuhanan ng larawan (Kuya Kim):
http://www.medianewser.com/2012/03/abs-cbn-news-launches-new-weather.html



Wednesday, June 20, 2012

ISKOLAR NG BAYAN BUHAY


        

          Ang mga pagsusulit ay malaking bahagi sa buhay ng bawat mag-aaral. Sinusukat nito ang kaalaman at mga natutunan nila sa paaralan. Gayunman, hindi lamang ang mga estudyante ang nakakaranas ng mga pagsusulit. Sa tingin ko, ang buhay ay serye ng mga pagsusulit, malaki man o maliit.

          Mula pagkabata, pinangarap kong mag-aral sa Ateneo. Sa politika, panitikan, isports, at iba pang mga larangan, ang mga Atenista ang karaniwang nangunguna. Subalit nang harapin ko ang desisyon ukol sa papasukan kong unibersidad, naglaban ang kagustuhan ko para sa aking sarili at ang kagustuhan ng iba para sa akin. Pagkatapos ng aking pagninilay-nilay, pinili kong mag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas Maynila upang maging isang dentista. Masasabi ko na ang mga pinagdaanan ko bilang mag-aaral sa isang publikong pamantasan ay nagsilbing malaking pagsusubok para sa akin. Bagaman, marami rin akong mahahalagang aral na napulot sa aking karanasan doon.

Ito ang ilan sa mga natutunan ko bilang isang Iskolar ng Bayan:

1.     Pahalagahan ang maliliit na mga biyaya
          Sikat ang UP sa pagiging isa sa pinakaprestihiyosong unibersidad sa bansa. Subalit, makikita rin sa mga kampus nito ang gula-gulanit na imprastraktura at kulang-kulang na kagamitan. Bilang estudyante doon, naranasan ko ang kahirapan na mag-aral sa masikip na silid-aralan na watak-watak ang kisame at pundido ang ilaw. Naranasan kong mag-klase sa labas ng gusali dahil sa kakulangan ng silid-aralan. Naranasan kong pumasok sa mga klase kung saan dinidikta lamang ng guro ang leksyon dahil walang yeso o kompyuter. Naranasan kong dumayo sa malayong aklatan dahil kakaunti ang mga libro sa aklatan ng unibersidad. Nang ako’y nasa mataas na paaralan, hindi ko man lang nilaanan ng pansin ang mga bagay na ito. Samakatwid, natutunan kong pahalagahan ang mga biyayang ipinagkaloob sa akin.

2.     Makisama
          “Conyo” at “maarte” ang pagbinyag ng mga kaklase ko sa akin nang una kaming nagkakilala. “Mapanghusga” at “jologs” naman ang tingin ko sa kanila. Dahil dito, nahirapan akong makitungo sa mga kaklase ko at pinili kong dumikit na lamang sa aking mga kaibigan. Subalit nang mas nakilala ko ang bawat isa sa kanila, natutunan kong huwag masyadong magpaimpluensya sa unang impresyon ko ng mga tao. Natutunan kong makisama at makipagkaibigan kahit sa mga taong ibang-iba sa akin.

3.     Normal ang madalas na pagbaha at pagrally
          Ang kampus ng UP Manila ay matatagpuan sa kanto ng Taft Avenue at Padre Faura. Sa dami ng bagyo noong nagdaang taon, nasaksihan ko ang madalas na pagbaha. Naranasan ko ang pagkansela ng klase at paghintay ng matagal upang tumila ang ulan at makauwi. Totoo pala ang laging nababanggit sa balita na ang baha ay umaabot hanggang baywang o lampas tao pa. Ngunit normal lang daw ito para sa mga taong nakatira, nag-aaral, o nagtratrabaho sa mga lugar na bahain tulad ng Taft Avenue.

          Bukod pa rito, katabi ng UP Manila ang Korte Suprema at DOJ kung saan halos araw-araw ay may natatagpuan akong nagrarally. Naranasan ko rin ang madalas na pag-“walk out” sa klase at ang pag-uudyok ng mga kamag-aral ko na sumali sa mga protesta laban sa gobyerno. Tama nga pala ang tatak na “aktibista” na binigay sa mga taga-UP. Sa gayon, nasaksihan ko ang iba’t ibang mga isyung panlipunan at natutunan ko ang kabanatan o “resiliency.”

4.     Gumamit ng mga salitang “po” at “opo” 
          Lumaki ako ng hindi sanay na gumamit ng mga salitang “po” at “opo,” maliban kapag kausap ang mga guro ko sa Filipino. Madalas kasi akong nakikipag-usap sa mga nakakatanda sa akin sa wikang Ingles. Subalit nang mag-aral ako sa UP, natutunan ko na ang hindi paggamit ng mga salitang ito ay isang anyo ng kabastusan. Datapwat, ngayon, sinisigurado ko na hindi ko nakakalimutang mag-“po” at “opo” sa kahit sinong nakakatanda sa akin.

5.     Tumawid ng kalsada
          Nang ako’y nag-aaral pa sa Maynila, ilang beses na akong halos masagasaan ng nagraragasang mga jeepney at tricycle. Sa totoo lang, bago ako mag-kolehiyo, hindi ako nakakatawid ng kalsada nang mag-isa at nang hindi napapasigaw. Ngunit, ngayon, kabisado ko na ang mga dapat at hindi dapat gawin habang naglalakad sa mga kalye ng Maynila. Mababaw nga, pero ito ang pinakapinagmamayabang kong natutunan sa UP!

6.    Magsarili sa pag-aaral
           “Ang mga propesor sa UP ay tamad at hindi halos nagtuturo o pumapasok.” Ito ang madalas sabihin ng mga nakakatandang estudyante sa unibersidad. Naranasan ko na ang makakuha ng isang propesor na pumapasok at nagtuturo lang kapag malapit na siyang magbigay ng eksaminasyon. Dahil dito, natutunan kong magsarili sa pag-aaral at huwag masyado umasa sa mga guro.

7.    Sundin ang pangarap at huwag magpaimpluensya sa opinion ng iba
          “Mas magtatagumpay ka bilang isang dentista.” Ito ay isa lamang sa madalas kong naririnig nang ako’y pumipili ng unibersidad na papasukan. Dahil masyado kong binigyang pansin ang opinyon ng ibang tao, nakalimutan ko ang dati ko pang plinano para sa aking sarili.
          Subalit marami akong natutunan sa UP, hindi ko parin natamo ang tunay na kaligayahan. Hindi ako nakuntento sa aking naging desisyon. Nanaig pa rin ang matagal ko nang pinangarap- maging isang Atenista. Naramdaman ko na bilang isang Iskolar ng Bayan, nalimitahan ako sa pagtamo ng kahusayang pang-akademya lamang. Hindi ako nabigyan ng oportunidad na umunlad bilang isang tao para sa Diyos at bilang isang tao para sa iba. Datapwat, natutunan ko na minsa’y tayo ang tunay na may alam kung ano ang makakabuti para sa atin. Natutunan kong sundin ang aking mga pangarap kahit tinututulan ito ng mga tao sa paligid ko.

          Hindi ko pinagsisisihan ang aking pagpasok sa UP. Dahil sa mga pagsusubok na pinagdaanan ko doon, marami akong mahalagang bagay na natutunan. Masasabi ko na dahil ako’y pansamantalang naging isang Iskolar ng Bayan, ako ngayo’y “Iskolar ng Buhay” na handang pumulot ng aral sa bawat pagsusulit na pagdaraanan ko sa buhay.  

          Sa wakas, natutunan ko rin na kahit bumagsak tayo sa mga pagsusulit ng buhay, mayroon at mayroon din tayong makukuhang mahahalagang aral.