Paumanhin sa malimit na pagmumura sa video.
Sa aking paglipat sa Ateneo, sinalubong ako ng pakiramdam na ako’y kapos sa katalinuhan at mga kasanayan. Sinalubong ako ng mga pagsusulit kung saan nakakuha ako ng markang C/D. Sinalubong ako ng mga gabi kung saan pinili kong mag-aral kaysa matulog. Sinalubong ako ng realidad na minsan ang pagsusumikap ay hindi pa rin sapat. Sa totoo lang, hindi ako sanay sa pagkabigo at sa mga realidad na aking natuklasan. Sa mga unang linggo ko sa Ateneo, ramdam na ramdam ko ang pagkatalo. "Sanayan lang yan." "You win some, you lose some." Ito ang madalas na sabihin sa akin ng mga kamag-anak at kaibigan ko. Pero sino nga bang gustong masanay sa pagkabigo? Sinong gustong matalo? Sa loob ng huling ilang buwan, natutuhan kong tanggapin ang pagkabigo at ang katunayang maraming mag-aaral ang mas mahusay kaysa sa akin. Natutuhan kong maging mapakumbaba sa pagtanggap ng aking mga pagkakamali. Natutuhan kong gamitin ang aking pagkabigo bilang pag-uudyok na paghusayan ang aking pag-aaral sa kasalukuyan at sa hinaharap. Pakiramdam ko tuloy na ang aking buhay bilang isang mag-aaral ay isang malaking cliché.
“You are responsible for your own ignorance.” Ikaw daw mismo ang mananagot sa iyong pagiging mangmang. Ito’y madalas kong marinig mula pa sa aking pagkabata. Lubos kong naintindihan ang diwa ng kasabihang ito dahil sa aking naging karanasan bilang isang Atenista. Natutuhan kong maging resilient at magsarili (lalo na sa pag-aaral) dahil natuklasan ko na hindi ako laging magiging "spoon-fed." Natutuhan ko na hindi lahat ng aking mga pangangailangan ay maipagkakaloob sa akin sa isang "silver platter." Natutuhan ko na responsabilidad kong makamit ang hindi maibibigay sa akin tulad ng kaalaman at impormasyon. ‘Ika nga ni Hitler sa pangalawang video, “Walang nag-inform?! Anong silbi ng mata niya, palamuti?!”
Sa Twitter, Facebook, at iba pang social networking websites, laganap ang internet hate at cyber-bullying. Ang madalas na nagiging biktima ng mga ito ay ang mga itinuturing ng lipunan na “mangmang” o “walang alam.” Sa kaso ni Christopher Lao, ang isa niyang pagkakamali (na ilusong ang kaniyang kotse sa baha) ay pinagpiyestahan ng mga gumagamit ng nasabing social networking websites.
Gumugol ng oras ang lumikha ng Facebook page na ito at ng pangalawang video sa itaas upang pagtawanan lang at laitin si Christopher Lao. Marami pang Facebook pages, tweets, YouTube videos, at blogs tulad nito ang nagpapalaganap ng internet hate at cyber-bullying.
Sa aking palagay, tayo nga mismo ang responsable sa ating kawalang alam. Sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng media, madaling makakuha ng impormasyon at magkaroon ng kamalayan ukol sa maraming paksa. Dahil dito, wala nang dahilan na maging “mangmang,” lalo na’t may mga uri ng media na accessible na rin sa lahat ng tao. Bagaman, sa kabila nito, ang pagkamit ng impormasyon at kamalayan ay hindi gumagarantiya na tayo’y hindi na magkakamali. Kahit si Christopher Lao na nagtapos ng summa cum laude sa Unibersidad ng Pilipinas ay nagkamali rin.
Lahat tayo, para sa akin, ay mga Christopher Lao ng lipunan. Tayo’y nagkakamali at tayo’y maaaring maging biktima ng internet hate at cyber-bullying. Dapat lang nating tandaan na tayo ang responsable sa ating kawalang alam. Huwag nating sisihin ang ibang tao at sabihin na “I was not informed” tulad ni Christopher Lao. Bukod pa rito, huwag tayong makilahok sa internet hate at cyber-bullying. 'Ika nga ng isang guro ko sa Ateneo, nabubuhay tayo sa isang lipunan kung saan madaling magbitaw ng mga salitang hindi na natin mababawi, lalo na sa social networking websites. Kapag tayo’y makisali sa mahalay na gawaing ito, lalo pa natin itong napapalaganap.
Sa mga nakikilahok sa internet hate at cyber-bullying, “I was not informed” na bawal na pa lang magkamali. “I should have been informed!”
May ilan pang suliranin kaugnay ng ating "Checklist" subalit binibigyan na kita ng isang markang pagtaas dito para sa nilalaman. Pagbati. Maging mas maingat pa sa susunod.
ReplyDelete